Hindi Lahat ng Bayani Nasa Harap ng Kamera
Bago ako naging CEO ng Pixelloop Kreative, isa lang akong taong naghahanap ng direksyon.
Noong 2007 hanggang 2012, buy and sell ng gadgets ang naging kabuhayan ko. Masaya naman, pero dumating ang panahon na pakiramdam ko, hindi na iyon ang gusto kong gawin habang buhay. May hinahanap akong bagay na magpaparamdam sa akin na buhay ako.
Hanggang sa natagpuan ko ang photography.
Wala akong portfolio. Wala akong experience. Wala akong pangalan.
Naalala ko pa ang unang post ko sa Facebook.
"Willing akong mag-shoot nang libre. X-deal lang. Isama n'yo lang ako sa event at turuan n'yo ako."
May isang taong kumuha sa akin.
Akala ko apprentice ako.
Akala ko manonood muna ako.
Akala ko tuturuan muna ako.
Pero pagdating sa venue, kasal pala.
At ang mas malaking gulat...
Kami lang dalawa.
Hindi ko alam ang flow ng kasal. Hindi ko alam ang mga kuha. Hindi ko alam kung saan tatayo o ano ang susunod na mangyayari. Pakiramdam ko, isinabak ako sa gitna ng digmaan nang wala man lang armas.
Natapos ang event na nanginginig ako.
Sabi ko sa sarili ko, baka malas lang.
Nag-post ulit ako.
May kumuha ulit.
At ganoon na naman ang nangyari.
Tatlong beses akong isinabak nang hindi handa.
Noon ko naisip...
"Baka ganito talaga ang paraan ng pagtuturo sa industriya."
Hindi ka tuturuan sa classroom.
Isasalang ka agad.
At bahala kang matutong lumangoy.
Nakakatakot.
Nakaka-trauma.
Pero hindi ako sumuko.
Noong 2013, nakilala ko ang isang tao na tunay na nagtiwala sa akin.
Doon talaga nagsimula ang journey ko bilang videographer.
Ang unang bayad ko sa event ay ₱1,500.
Marami akong palpak.
Marami akong pagkakamali.
Maraming eksenang dapat mas maganda ang naging kuha.
Pero hindi niya ako pinahiya.
Hindi niya ako sinukuan.
Pinagtiyagaan niya akong matuto.
Hanggang ngayon, isa siya sa mga taong hindi ko nakitang nagalit kahit ang daming sablay ng team. Kapag may problema, siya ang unang sumasalo. Kapag may mali, hindi siya naghahanap ng masisisi—naghahanap siya ng paraan.
Mula 2013 hanggang 2020, nagtrabaho ako kasama niya.
Ang pinakamataas na talent fee na natanggap ko noon ay nasa ₱3,000 hanggang ₱3,500 kada event.
Sa iba, maliit lang iyon.
Pero para sa akin...
Malaki na iyon.
Doon ko itinaguyod ang pamilya ko.
Doon ko binuo ang pangarap ko.
Nagreklamo ba ako?
Hindi.
Dahil ang tunay na halaga ng natanggap ko ay hindi nasusukat sa pera.
Tinuruan niya akong maging propesyonal.
Tinuruan niya akong maging responsable.
Tinuruan niya akong maging tao.
Kung nasaan man ako ngayon, kung may Pixelloop Kreative man ngayon, malaking bahagi ng pundasyon nito ay galing sa mga taong naniwala sa akin noong wala pa akong napapatunayan.
Minsan kasi, ang pinakamalaking puhunan sa isang tao ay hindi camera.
Hindi kagamitan.
Hindi pera.
Kundi isang taong magsasabing...
"Kaya mo 'yan. Sige lang."
Sa taong nagbigay sa akin ng pagkakataon, salamat.
Hindi man kita madalas mabanggit, pero dala ko ang mga aral mo sa bawat project, sa bawat empleyadong tinuturuan ko, at sa bawat pangarap na patuloy kong binubuo.
Ngayon, ako naman ang gustong maging taong magbibigay ng pagkakataon sa iba.
Dahil alam ko ang pakiramdam ng isang taong may pangarap, pero naghihintay lang ng isang tao na maniwala sa kanya.